Friday 13 July 2018

Ang Kasaysayan ng Ating Pambansang Watawat


Ang bandilang Pilipino ay nilikha ng madugong pakikibaka. Ginawa ito ng magigiting na kaanib sa mapaghimagsik na Katipunan ni Bonifacio, na siyang nanguna sa pakikilaban sa Espanya.

Nang una, ang bandila nati'y binubuo ng kayong pula na siyang sagisag ng dugo ng mga kaanib sa Katipunan, bilang tanda ng kanilang pagtatanggol sa Inang-Bayan. Ang araw ay nangangahulugan ng pagsibol ng bagong bansa, kaya't sa gitna ng tinurang araw ay may isang titik na K na ang katuturan nama'y Kalayaan.

Nagkaroon pagkatapos ng iba't ibang hugis, na ang lalong tanyag ay ang kina Heneral Pio del Pilar at Gregorio del Pilar. Ang balangkas ng mga bandilang ito'y siyang pinagtularan ng ngayo'y puting triyanggulo, na may dalawang guhit na paayun, araw, at mga bituin.

Ang maningning na tandang ito na buong pagwawaging iwinagayway noong unang taon ng Himagsikan ay natiklop noong ika-27 ng Disyembre, 1897, nang lagdaan ang kasunduan sa Biyak-na-Bato bilang pagtatabi ng tabak ng paghihimagsik.

Isang muling pagbabago ang ginawa ng Kapulungan sa Naik sa ating bandila noong ika-17 ng Marso, 1897, nang ang K ay alisin sa gitna ng Araw.



Ang bandila ngayon ay kahugis noong sa 1898, na ginawa't pinagtibay ng Junta Patriotica, sanggunian ng mga tapong Pilipino sa Hongkong, at dinala sa Pilipinas ni Heneral Emilio Aguinaldo noong ika-19 ng Mayo, 1898. Sa maraming paglalabanang sumunod, nang magbalik ang mga Pilipino sa kanilang lupain, ang bandila, na lalong naging makahulugan sa pagkakaragdag ng tatlong bituing kumakatawan sa tatlong malalaking pulo ng Pilipinas, ay buong tagumpay na iwinagayway ng ating hukbo ng Himagsikan.

Ang bandilang ito ay siya nang kinikilalang watawat ng Republika Pilipina noong ika-12 ng Hunyo, 1898, sa Kawit, Kabite. Siya na ring sumaksi't nagpatibay sa pagpapasinaya ng Republika sa Malolos, Bulakan, noong ika-23 ng Hunyo, 1899. Ito na rin ang sumaksi sa pagwawagi't pagkatalo ng mga Pilipino sa Digmaang Pilipino-Amerikano hanggang sa mahuli si Aguinaldo sa Palanan, Isabela, noong ika-23 ng Marso, 1901.

Sa loob ng mga unang taon ng kapangyarihang Amerikano sa Kapuluan, ang paglaladlad ng bandilang Pilipino ay naging sanhi ng di pagkakaunawaan, kaya't ang Komisyon, noong ika-23 ng Agosto, 1907, ay nagpatibay ng batas Big. 1696, na kilala sa tawag na Batas sa Bandila na nagbabawal ng paglaladlad ng bandilang Pilipino sa alin mang pook kahit sa tahanan. Tuwing magbubukas ng pulong ang Batasan, mula noong 1908 hanggang 1914, ang mga lider na Pilipino ay gumagawa ng hakbang na tungo sa ikawawalang-halaga ng tinurang batas. Nagtamo sila ng tagumpay tungkol dito noong ika-22 ng Oktubre, 1919, na panahon ng Gobernador-Heneral Francis Burton Harrison.

Ang pagkapabalik ng bandilang Pilipino ay nangahulugan ng pagkilala sa pagka-bansa ng Pilipinas, kaya't sa kasalukuyan, ang ating bandila na sagisag ng bagong kalayaan, at ng bagong bansa, ay hindi kapiling na nakawagayway ng bandilang Amerikano.

Si Kalabaw at Si Tagak


Tanghaling tapat. Mainit ang sikat ng araw. Tapos na ang gawain ni Kalabaw sa bukid. Nagpunta siya sa tubugang putik at dito siya naglunoy. Pagkatapos, sumilong siya sa lilim ng punong mangga. Hindi nagtagal, nakatulog si Kalabaw.

Matagal na nakatulog si Kalabaw. Nagising lamang siya nang maramdaman niya ang sakit at kati ng kagat ng mga lamok.

“Ayan na naman kayo”, wika ni Kalabaw. “Bakit ba ako na lamang ng ako ang alaga ninyong kagatin? Ang sakit at kati pa naman ninyong kumagat. Hala, alis kayo sa likod ko.”

“Ayaw namin. Hindi kami aalis sa likod mo. Kay sarap-sarap mong kagatin. Malaki at malaman ang inyong katawan”, wika ng mga lamok.

At lalong dumami ang lamok na dumapo at kumagat sa likod at batok ni Kalabaw. Hinampas nang hinampas ni Kalabaw ng kanyang buntot ang mga lamok. Ngunit nagpalipat-lipat lamang ang mga ito ng lugar sa likod at batok ni Kalabaw na di abot ng hampas ng kanyang buntot. Inis na inis sa mga lamok si Kalabaw ngunit wala siyang magawa.

Siyang pagdating ni Tagak. Naawa siya kay Kalabaw.

“Nakakaawa ka naman”, wika ni Tagak kay Kalabaw. “Tutulungan kita. Pagtutukain ko ang mga pesteng lamok sa ito.”

“Salamat, Tagak, kaybuti mo”, wika ni Kalabaw.

Inisa-isa ni Tagak na pagtutukain ang mga lamok na nakadapo at dumadapo pa sa katawan ni Kalabaw. Naubos ang mga lamok.

“Hayan, Kalabaw!” wika ni Tagak. “Naubos ko nang tukain ang mga lamok sa iyong batok at likod.”

“Kayginhawa na nga ng pakiramdam ko. Salamat na muli sa iyo, Tagak”, wika ni Kalabaw. “Magmula ngayon makakasakay ka na sa aking likod.”

Lumipas ang mga araw. Naging mabuting magkaibigan si Tagak at si Kalabaw. Ang mga lamok na dumadapo sa likod ni Kalabaw ay kanyang tinutuka kaya libre naman ang pagsakay ni Tagak sa likod ng Kalabaw.

Minsan umulan nang malakas. Nasa likod ni Kalabaw si Tagak.

“Tagak, dito ka sumilong sa ilalim ko”, wika ni Kalababaw sa kaibigan. “Malapad ang katawan ko at hindi ka mababasa.”

“Salamat, Kalabaw. Kaybuti mo. Isa kang mabuting kaibigan”, wika ni Tagak.

“Ang mabuting magkaibigan ay nagtutulungan sa lahat ng araw at sa anumang panahon”, wika ni Kalabaw.

Aral:
Ang mabuting kaibigan ay nagtutulungan sa lahat ng pagkakataon.
Huwag magsawang tumulong. Pasasaan ba’t babalik din sa iyo ang mga mabubuting bagay na itinanim mo.

Ang Kabayong Humingi ng Katarungan


"Ito ay kampana ng katarungan," ang sabi Ing hari. "Ito ay para sa inyo, aking mamamayan at nasasakupan. Tugtugin ninyo kung may gumawa sa inyo ng masama. Dali-daling paririto ang mga hukom upang kayo'y bigyan ng katarungan. Ito ay para sa lahat - mayaman ma't dukha; bata o matanda. Ngunit huwag ninyong tutugtugin kung sa akala ninyo ay hindi naman kayo inaapi."

Maraming mga taon ang nakaraan kaya marami ring mga kamalian ang naituwid at marami ring mga salarin ang naparusahan. Humina na ang lubid na nakatali sa kampana at ang ibaba nito ay nalagas at napatid kaya matangkad lamang ang puwedeng makaabot sa lubid upang makatugtog.

Ang sabi ng isa sa mga hukom, "Problema ito. Kung sakaling may batang pinaslang, paano niya ito mapararating sa kaalaman namin?"

Ipinag-utos ng mga huwes na palitan ang lubid. Wala namang makitang mahabang lubid sa bayan. Kung sila naman'y magpasugo at magpakuha sa gubat ay baka malaunan. "Anong gagawin kung sa mga sandaling ito ay magkaroon ng kaso ang isang bata at dalhin sa amin?"

Sa mga istambay na nakikinig ay may isa namang nagprisinta, "Ako'y kukuha ng mainam na tali." Ito'y umalis at nang magbalik, may dalang mahabang baging.

Siya'y umakyat sa tore at itinali ang baging sa kampana. Ito'y nakalawit at puno ng mga sariwang dahon.

"Maayos na iyan!" ang sabi ng mga hukom at tuloy pinasalamatan ang nag-magandang-loob.

Di-kalayuan sa pamilihang-bayan may nakatirang isang kawal. Siya'y matapang noong kanyang katanghalian. Malaki ang kanyang karanasan sa digma. Malalayong bayan ang kanyang narating at naging kasama ang kanyang kabayong di-miminsang nagtawid sa kanya sa mga panganib.



Nang siya'y tumanda, wala na sa kanyang isip ang digma. Hindi na siya naniniwala sa katapangan at kabayanihan. Walang laman ang kanyang ulo kundi ginto. Walang iniisip kundi kayamanan. Ang kanyang sinasamba ay salapi. Ipinagbiling lahat ang mga ari-arian at tumira na lamang sa maliit na dampa sa bukid. Wala siyang gawa kundi bilangin ang kanyang pera. Dumating ang sandali na ang kanyang kabayo ay ayaw pakainin.

Isang araw, naisip ng lalaki na ipagbili ang kanyang kabayo. "Ngunit sinong bibili sa kanya? Payat, matanda at di na makahila. Walang tatanggap sa kanya kahit ibigay ko pa. Siya'y pasanin lamang! Akin na lamang aalpasan at bahala na siyang manginain ng damo sa lansangan!"

Ang kabayo ay inalpasan. Ito'y naging masasakitin at papilay-pilay. Binabato ng mga bata sa daan. Siya'y tinatahulan ng mga aso. Nagpalibot-libot ngunit walang makaing damo. Ang kapaligira'y kalos na kalos pagkat tag-init.

Sa di kinukusa, napadako ang kabayo sa pamilihang-bayan. Walang tao sa lansangan pagkat sila'y nasa bahay dahil sa alinsangan ang panahon. Bukas ang tarangkahan ng pamilihan. Ang kabayo ay nakapasok at namataan niya ang baging nakabitin na tali ng kampana. Para bang siya'y kinawayan ng mga dahon at ang sabi, "Halika, ikaw'y nagugutom."

Sinimulang kainin ng kabayo ang mga dahon. Tuwing dadakmain ang mga dahon, nahahaltak ang baging, kaya ang kampana ay tumutugtog.

Narinig ng mga taong-bayan at mga huwes ang tugtog ng kampana. Wari'y isang panawagan, "Ako'y pinabayaan, ipinagtabuyan, kaya kaawaa't bigyan ng katarungan."

Maraming mga mamamayan ang nagpunta sa pamilihang-bayan. Nakita nila ang kabayo. Sigaw ng isa, "Iyo'y kabayo ng sundalo. Talagang masamang tumarato!"

"Kahit hayop ay natutung magsakdal dahil sa kanyang kaapihan!" sambat naman ng isa.

Ipinatawag ng mga hukom ang may-ari ng kabayo.

Nang humarap ang kawal sa tribuna, siya'y hinatulan ng ganito, "Pinagsilbihan ka ng kabayo mo nang mahabang panahon. Ikaw ay iniligtas niya sa sarisaring panganib. Siya ang nagbigay sa iyo ng iyong kayamanan. Ang kayamanang iyan ay hahatiin at ang kalahati ay ilalaan sa iyong kabayo. Siya'y ibibili ng pastulan, pagkain at kabalyurisang matatahanan. Gugugulin ang pera sa kanya habang buhay!"

Nanlumo ang kawal nang marinig ang hatol. Masakit para sa kanya ang magbitiw kahit isang kusing!

Nagsigawan ang mga tao, "Sa wakas ay nagtagumpay rin ang katarungan!" Salamat sa , kampana ng katarungan!

Hango sa kuwento ni Pablo Cuasay

Ang Engkantada ng Makulot


Ang mga naninirahan sa munting bayan ng Cuenca ay maligaya, matahimik at matakutin sa diyos. Ang Cuenca ay tirahan ng mabait na prinsesang reyna ng Makulot. Siya ay mahiwaga. Ang kanyang kinalulugdang alaga ay Torong Ginto. Ang Torong Ginto, katulad din ng pangkaraniwang baka, ay malimit makitang nanginginain ng damo sa kaparangan.


Ang Torong ito ay siyang tulay ng pag-iibigan at pagmamagandang-loob ng mga mamamayan at ng prinsesa. Ang prinsesa ay napakabait at mapagkawanggawa sa mga taong dukha. Dahil sa Torong Ginto nabibigyan ng salapi ng prinsesa ang mga mahihirap na nangangailangan ng tulong upang ipagtawid-gutom.

Sila ay dapat may mabuting budhi’t malinis na asal. Ngunit kung ang mga tao’y mahilig sa pagkakasala wala silang hihintaying gantimpala sa prinsesa.

Lumakad ang mga araw at ang mga mamamaya’y nakalimot sa magandang halimbawa at malinis na pamumuhay. Dahil diya’y nawalang bigla ang Torong Ginto. Nawala rin ang prinsesa.

Sakali mang makita ang Torong Ginto, ito’y nangangahulugang magkakaroon ng gutom, salot, sakit at kung anu-anong sakuna, kaya ang mga tao ay nagprusisyon, nagdasal, nagpamisa at tumutupad ng sari-saring pangako sa kanilang mga anito.

Naging hampas na parusa ng mga anito sa mga tao ang paglabas ng Torong Ginto. Kung makita ang Torong Ginto, ito’y babalang matutuyo ang mga halaman o di kaya’y magkakaroon ng malaking baha o masamang ani.


Ang raha’t lakan ng magkakaratig na balangay ay nagkaisang tumawag ng pulong. Kanilang isinaalang-alang kung ano ang dapat gawin upang ang Torong Ginto ay huwag nang makita. Pinagkaisahan ng lahat na ang pinakamatapang at makisig na binata at subok na kawal ay ialay sa prinsesa upang maalis ang kanyang galit.

Ang kaawa-awang binata ay itinali sa puno ng kahoy upang sunugin. Di-umano’y ang usok nito ay isusubo sa Reyna ng Makulot. Anong pagpapakasakit!

Nang kakanin na ng apoy ang bagong taong ubod ng tapang ay siyang paglabas ng Torong Ginto sa yungib ng bundok. Sakay rito ang Engkantada ng Makulot. Iwinagayway ng prinsesa ang kanyang mahiwagang baston.

Ang binata ay tinangay ng hangin at naagaw sa nagngangalit na apoy. Sa isang iglap ay iniupo siya sa Torong Ginto. Ang prinsesa at binata na kapuwa sakay ng Torong Ginto ay pumasok sa yungib ng bundok. Ang Torong Ginto mula noon ay hindi na napakita.

Ang mga mamamayan naman, dahil sa takot na baka sumipot uli iyon, ay nagbago na rin at nanatiling mabubuting tao.

Aral:
Maging mabuti sa lahat ng oras at laging gumawa ng kabutihan. Ang ikasasagana ng ating kalikasan ay nasa atin ding mga kamay kaya huwag nating hayaang masira ito dahil sa ating kapabayaan.

Ang Elepante at ang mga Bulag


Minsan isang hapong mainit ang araw,
May anim na bulag, sa zoo namasyal,
Nagkasundo silang doon ay dumalaw
Upang elepante ay makapanayam.

Iyang unang bulag, siyang nagpasiya;
"Diyos po, hintay! Hindi ko madipa,
Palagay ko parang dingding siya,"
Kagyat na sinabing kasabay ay tawa.

Ikalawang bulag ay siyang lumapit,
Hindi sinasadya sa pangil kumapit:
"Bilog at makinis, totoong matulis,
Pihong sibat ito!" ang pagmamatuwid,

Ang ikatlong bulag, sumunod, humipo;
Ang nahipo'y tuhod, tulad daw ng puno:
"Puno ng kahoy, tunay, hindi biro!
Magpustahan tayo upang magkasundo."

Ikaapat na bulag, kaipala'y lumapit,
Ang nahipo'y nguso, madulas, pilipit:
"Alam ko na, ahas!" ang siyang sinambit,
Ang pagkakasabi ay dalawang ulit.

Ang sumunod nama'y ikalimang bulag,
Ang nahipo'y taynga, sinabi kaagad:
"Ito ay pamaypay, aking tinitiyak,"
Kasabay ang ngiting sa labi bumukad.

Katapusang bulag, sa huli napabanda,
Kaya itong buntot ang nahipo niya:
"Lubid! Walang sala!" pagkaraka'y badya,
Walang alinlanga't tila nagyabang pa.

Ang anim na bulag ay nangagsiuwi,
Tuloy ang taltalan at di mapagwari
Kung sino ang tama, kung sino ang mali,
Pagpalain ng D'yos ang anim na sawi!

Kuwento ni Pablo Cuasay

Ang Bulkang Taal


Nahulog sa dagat ang gintong singsing ni Prinsesa Taalita kaya’t nag-utos ang amang si Datu Balindo sa mga kawal na hanapin ito. Isang linggong nilangoy ng mga matipuno at matapat na alagad ng barangay ang lawa ng Bunbon ngunit wala isa man sa kanilang makakita sa singsing.

Hindi pa rin nagtugot ang datu dahil ang singsing daw ay napakahalaga hindi lamang dahil ginto ito kundi dahil makasaysayan ito sa buhay niya. “Iyang singsing na iyan ay nagpasalin-salin sa kamay ng aking mga ninuno na pawang mga raha at lakan. Iyan pati ang piping saksi nang pagbuklurin ang puso naming mag-asawa.”

“Patawarin ninyo ako, mahal kong ama,” luhaang sabi ni Taalita. “Alam ko po ang kahalagahan niyan. Minamahal ko ang singsing nang higit sa buhay tulad ng pagmamahal ko sa nasira kong ina, subalit…”

“Huwag kang lumuha, anak,” sabi ng ama. “Hayaan mo’t makikita pa rin iyan.”

Sa mga naghahanap ng singsing, isang binata ang di naglulubay sa pagsisikap na makita ito. Hiningi niya ang tulong ng langit at di nga nagtagal ay nakita ang hinahanap. Nalunok pala ito ng isang malaking isda.

Ibinalik niya ito sa prinsesa at sa laki ng utang na loob ng mag-ama naging malapit sa kanila ang binata. Hindi naglaon at naging magkasintahan si Taalita at Mulawin. Pumayag naman ang ama sa pag-iisang-dibdib nila dahil alam niyang mabait, matapat at mapag-kakatiwalaan ang lalaki.

Masaya ang buhay ng mag-asawa, at nang matanda na ang raha, si Mulawin na ang namahala sa barangay. Madalas na ang ginagawa nilang pasyalan ay ang lawa. Namamangka ang mag-asawa at natutuwang minamasdan ang mga isda at ibang nabubuhay sa dagat.

Isang araw, sa pamamangka nila, natanawan ni Taalita ang isang di-karaniwang bulaklak na nakalutang sa tubig. “Kay ganda ng bulaklak na iyon. Kukunin ko,” at bago napigilan ng asawa ay nakatalon agad sa tubig. Hinintay ni Mulawin na lumitaw ang asawa ngunit hindi ito pumapaibabaw. Dagling tumalon din ang lalaki para saklolohan ang asawa, ngunit pati siya ay nawalang parang bula.

Laking pagluluksa ng buong barangay sa nangyari sa kanilang mahal na Raha Mulawin at Prinsesa Taalita. Hindi naglaon, may lumitaw sa gitna ng lawa sa kinalinuran ng magsing-irog na isang pulo.

Iyan ang Bulkan ng Taal, ngalang ibinigay ng amang datu para laging ipagunita ang nawalang mga anak.

Ayon sa mga mangingisda, madalas daw nilang marinig kapag napapalapit sila sa bulkan ang masayang awit ng mag-asawang Mulawin at Taalita, na kahit sa kabilang-buhay ay masaya at nagmamahalan.

Aral:
Maging matapat sa pinagagawa sa iyo. Huwag agad susuko, tandaan “Kapag may tiyaga, may nilaga.”

Maging maingat sa lahat ng oras. Huwag padalos-dalos sa mga desisyon dahil maaari itong magdulot ng kapahamakan.

Ang Ating mga Likas na Palatandaan



Marami sa magagandang tanawin ng ating bayan ang mga tangi at kilalang palatandaan. Isa na rito ang Look ng Maynila. Ipinalalagay na isa ito sa mahuhusay na daungan ng mga sasakyang-dagat sa silangan. Sa makitid na pasukan nito, naroroon ang Pulo ng Corregidor na naging tagpo ng mga di-malilimot na pangyayari noong Pangalawang Digmaang Pandaigdigan. Sa baybay nito, naroroon naman ang baybayin ng Cavite, Manila, Bulacan, Pampanga, at Bataan. Ang mga pook na ito ay naging saksi ng mga dakila at mahalagang pangyayari sa ating kasaysayan.

Sa Mountain Province, mga tatlundaang milya sa hilaga ng Maynila, naroroon ang rice terraces na bantog sa buong mundo bilang isa sa Walong Hinahangaan sa Daigdig. Ang mga baytang-baytang na taniman ng palay na ito ay itinayo ng mga unang-unang ninuno ng mga kasalukuyang Ifugao, noong mga tatlunlibong taong nakaraan.

Sa lalawigan ng Batangas, naroon ang Lawa ng Taal. Sa gitna ng lawa ay may isang bulkang gising. May paniniwalang ang lawa ay bunga ng malakas na pagsabog ng bulkan noong nakaraang panahon. Ang abo at putik na ibinuga ng bulkan ay kumalat sa malawak na lupa sa Greater Manila Area.

Noong ika-28 ng Setyembre 1965, pumutok ang Bulkang Taal. Ang mga baryo sa baybay ng lawa ay lumubog sa putik at abo. Ang pagputok na iyon ay lumikha ng panibagong butas sa bulkan at nakamatay sa libu-libong tao. Nawalan ng tahanan ang mga napinsala at inilipat sila sa ibang tirahan. Kumilos nang sama-sama sa isang kilusang pangkawanggawa ang pamahalaan, ang mga samahang pambayan, mga bahay-kalakal, at libu-libong mamamayang pribado upang damayan at tulungan ang mga napahamak sa pinakamalubhang kapahamakang umabot sa ating bansa noong 1965. Mula noon, muling tumahimik ang Taal upang muling mabigyan ng kariktan ang tanawin.

Ang Bulkang Mayon, bantog din sa buong daigdig, ay nasa lalawigan ng Albay, malapit sa Lungsod ng Legaspi. Ito ay pitung-libo't siyamnaraang talampakan ang taas at ang taluktok ng bulkan (perfect cone) ay balita sa buong mundo.

Ang Lawa ng Lanao ay nasa Pulo ng Mindanao. Dalawang libong talampakan ito sa ibabaw na pantayang-dagat at umaagos sa Ilog Agus. Sa dakong malapit sa Lungsod ng Iligan, ang tubig sa Ilog Agus ay bumababa ng walumpung talampakan sa ilalim at siyang bumubuo ng Talon ng Maria Cristina. Ito ang nagpapalakad at nagbibigay ng elektrisidad na ginagamit sa bayan-bayan at sa mga sentro ng kalakalan at industriya sa Mindanao.

Bukod sa mga nabanggit na palatandaan, marami pang magagandang tanawin at makasaysayang pook ang bayan, na makapagdudulot sa mga turista ng kawili-wili at kasiya-siyang pagdalaw sa Pilipinas.

Ang Araw at ang Hangin


Sino kaya ang mas malakas, ang araw o ang hangin? Madalas daw ay nag-aaway itong dalawang ito noong araw dahil sa nagpapalakasan nga.

Isang araw, sinabi ng hangin, "O, gusto mo ba talagang patunayan ko na mas malakas ako kaysa iyo?"

Ngumiti ang araw. "Sige, para hindi ka laging nagyayabang, tingnan natin. Hayun, may lalakeng dumarating. Kung sino sa ating dalawa ang makakapagpaalis ng suot niyang polo, siya ang kikilalaning mas malakas."

"Payag ako. Ngayon din", magkakasubukan tayo, "malakas na sagot ng hangin. "Ako ang uuna," dugtong pa niya dahil ayaw niyang maging pangalawa sa anumang labanan.

Sinimulan niyang hipan ang naglalakad na lalake. Sa umpisa ay tila nagustuhan ng tao ang hihip ng hangin kaya naging masigla at bumilis ang lakad nito.



Nilakasan ng hangin ang paghihip. Isinara ng tao ang lahat ng butones hanggang sa may leeg ng kanyang polo. Inubos ng hangin ang buong lakas sa paghihip. Lalo namang pinakaipit-ipit ng mga braso ng lalake ang damit dahil tila giniginaw na siya.

Nanghina na nang katakut-takot ang hangin sa paghihip niya ay talagang hindi niya makuhang mapaalis ang damit ng lalake. "Sige," sigaw niya sa araw. "Tingnan naman natin ang galing mo. Marahil, hindi mo rin naman mapapahubad ang taong iyon."

Pinalitaw ng araw ang sinag niya, at unti-unti niyang pinainit ito. Tumulo ang pawis ng lalake. Dinagdagan pa ng araw ang init na inilalabas niya, at ang lalake ay nagkalas ng mga ilang butones sa baro.

Maya-maya, nang uminit pang lalo ang araw, hindi na nakatiis ang tao at tinanggal nang lahat ang mga butones ng polo at hinubad ito. Panalo ang araw! Mula noon, di na nagyabang uli ang hangin.


Aral:
•Iwasan ang pagiging mayabang. Kadalasan ay wala itong mabuting naidudulot kanino man.

•Mas mainam sa tao ang may kababaang loob at hindi nagmamalaki. Higit siyang kapuri-puri kaysa taong maraming sinasabi ngunit kulang sa gawa at wala namang silbi.

•Maging matalino sa bawat desisyong gagawin. Pag-isipan muna ng mabuti at makailang beses bago gumawa ng desisyon upang hindi ka magsisi.

Ang Aral ng Damo



May anghel na galing sa langit na nagbisita upang tiyakin kung tunay ngang ang lahat ng nilalang sa kagubatan ay nasisiyahan.

"G. Punongkahoy, ikaw ba'y maligaya?" tanong ng anghel.

"Hindi," ang sagot sa tinig na walang sigla, "sapagkat ako'y walang bulaklak."

Ang anghel ay nagpunta sa bulaklak upang magsiyasat. "Bb. Bulaklak, ikaw ba'y maligaya sa iyong paligid?"

"Hindi ako maligaya sapagkat wala akong halimuyak. Masdan mo ang gardenia sa banda roon. Siya'y umuugoy sa amihan. Ang kanyang bango na taboy ng hangin ay kahali-halina!"

Ang anghel ay nagpunta sa gardenia upang mabatid ang damdamin nito. "Ano ang masasabi mo sa iyong halimuyak?"

"Ako'y hindi nasisiyahan. Wala akong bunga. Naiinggit ako sa saging! Iyon, siya'y natatanaw ko. Ang kanyang mga piling ay hinog na!"

Ang anghel ay lumapit sa saging, nag magandang-araw at nagtanong, "G. Saging, kumusta? Ikaw ba'y nasisiyahan sa iyong sarili?"

"Hindi. Ang aking katawan ay mahina, hindi matibay na tulad ng sa narra! Pag malakas ang hangin lalo't may bagyo, ako'y nababali! Nais ko sanang matulad sa narra!"

Nagpunta ang anghel sa narra at nagtanong, "Anong palagay mo sa iyong matibay na puno?"

"Sa ganang akin, gusto ko pa ang isang damo! Ang kanyang mga dahon ay matutulis. Ang mga ito'y nagsisilbing proteksiyon!" pakli ng narra.

Ang anghel ay nagpunta sa damo. "Kumusta ka ? Ano ang nanaisin mo para sa iyong sarili?"

"Masaya ako !" sagot ng damo . "Ayaw kong mamumulaklak. Walang kwenta ang bunga. Ayaw ko rin ng matibay na puno. Gusto ko'y ako'y ako... hindi nananaghili kaninuman pagkat maligaya!"


Aral:
•Makuntento sa kung anong meron ka. Lahat tayo ay nilikha ng Diyos na may kanya-kanyang katangian. Huwag maging mainggitin sa iba.

•Maaring ang kahinaan mo ay maging kalakasan ng iba. Gamitin ito upang makatulong sa kapwa.

•Ang sikreto sa masaya at payapang pamumuhay ay ang pagiging kuntento. Huwag laging tingalain ang iba. Sa halip ay pagyamanin mo kung anong meron ka at matutong maging masaya para sa iba.

Maikling Kuwento


Maikling Kwento - Ang maikling kwento ay isang anyo ng panitikan na may layuning magsalaysay ng mga pangyayari sa buhay ng pangunahing tauhan. Nag-iiwan ito ng isang kakintalan sa isip ng mga mambabasa.

Mga Bahagi
Ang maikling kwento ay karaniwang mayroong limang bahagi:

1. Panimula
2. Saglit na kasiglahan
3. Suliraning inihahanap ng lunas
4. Kasukdulan
5. Kakalasan

Ang panimula ay ang bahagi na siyang guguhitan ng mga pangyayari sa kwento. Mahalagang maging kapansin-pansin ito upang mabihag ang kawilihan ng bumabasa.

Ang saglit na kasiglahan ay ang bahaging naglalarawan ng simula patungo sa paglalahad ng unang suliraning inihahanap ng lunas. Dapat maging kaakit-akit ang bahaging ito sa bumabasa at madama niya ang magaganap na pangyayaring gigising sa kanya ng isang tiyak na damdamin.

Ang suliraning inihahanap ng lunas ay karaniwang tatlo. Kung minsan ay humihigit sa tatlo, depende sa sumusulat ng kwento. Sa bahaging ito ng kwento, ang mababasa ay napapagitna sa mga pangyayaring gigising sa kanyang damdamin. Ang mga pangyayaring ito ang siyang bumubuo sa mga suliraning inihahanap ng lunas at lumilikha ng isang kawilihang pasidhi nang pasidhi.

Ang kasukdulan ay ang bahagi ng kwento na nagsasaad ng pinakamasidhing kawilihan. Ito ay dapat ilarawan nang mabilisan, tiyak, o malinaw at maayos. Upang maging mabisa ang kasukdulan, ito ay di-dapat magkaroon ng anumang paliwanag. Ang kailingan lamang ay ang maayos na pagkakaugnay-ugnay ng mga suliraning inihahanap ng lunas.

Ang kakalasan ay ang panghuling bahagi ng kwento na kaagad sumusunod sa kasukdulan. Ito ay hindi rin dapat pahabain at bigyan ng paliwanag. Ipaubaya sa mambabasa ang pag-iisip at hayaang siya ang magbigay ng wakas sa kwento.



Mga Halimbawa

Ang Aral ng Damo
Ang Araw at ang Hangin
Ang Ating mga Likas na Palatandaan
Ang Bulkang Taal
Ang Elepante at ang mga Bulag
Ang Engkantada ng Makulot
Ang Kabayong Humingi ng Katarungan
Ang Kalabaw at ang Tagak
Ang Kasaysayan ng Ating Pambansang Watawat
Ang Kauna-unahan Nating Ninuno
Ang Kwento ng Pinagmulan ng Lahi
Ang Manok at ang Uwak
Ang Matalik Kong Kaibigan
Ang Matalinong Pintor
Ang Nawawalang Prinsesa
Ang Pagdalaw ng mga Pastol at Tatlong Hari
Ang Sapatero at ang Dwende
Araw, Buwan, at Kuliglig
Bakit Maluwang ang Balat ng Baka?
Bakit Mas Maliwanag Ang Araw Kaysa Buwan
Bakit Mataas ang Langit
Dalawang Aso
Dalawang Lapis
Halaman ng Pagmamahal
Himala sa Kapaskuhan
Hindi Nag-isip
Ina ng Biak-na-Bato
Isang Aral Para Kay Armando
Kaibigan Daw
Kapuri-puring Bata
Kung Bakit May Tagsibol at Taglagas
Matapat na Bayani
Matulunging Bata
Modelong Bata
Nagbayad ng Utang-na-Loob
Namatay Para sa Bayan
Nasa Kamay ang Buhay ng Ibong Hawak
Noong Unang Panahon sa Pilipinas
Pagatpat
Pambansang Pintor
Pinagmulan ng Mangga
Pinagmulan ng Singkamas
Pinagmulan ng Waling-waling
Prinsipe ng mga Makatang Pilipino
Pulong ng mga Hayop
Regalo sa Guro
Reynang Matapat
Si Andres Bonifacio at ang Katipunan
Si Apollo, si Aurora, at si Clytie
Si Jesus at ang Matandang Bulag
Si Juan, ang Pumatay ng Higante
Si Mario, si Ana, at ang Isda
Si Paruparo at si Langgam
Sugong Kalapati
Tagalungsod Sila
Tikbalang